--Ads--

Umano’y nagbabala muna ang Grade 9 student na itinuturong suspek sa pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato sa ilan niyang mga kaklase bago naganap ang insidente.

Ayon kay Banga Mayor Albert Palencia, sinabihan umano ng estudyante ang ilang kaklase na umuwi na matapos ang lunch break dahil may gagawin siya at maaaring madamay ang mga ito.

Matapos ang tanghalian, umalis umano ang estudyante sa kanilang classroom at pinaputukan ang isang kalapit na silid-aralan habang pansamantalang wala ang adviser nito.

Ayon pa kay Palencia, may dala umanong 9mm na baril at dalawang magazine ang estudyante. Sinusuri rin ng mga awtoridad ang impormasyon na pag-aari umano ng kaniyang ama ang baril at kinuha ito mula sa isang vault na sinira umano ng menor de edad.

--Ads--

Gayunman, bahagi pa lamang ito ng mga impormasyong sinusuri ng mga imbestigador at hindi pa pinal na resulta ng imbestigasyon.

Samantala, magkakaiba pa ang naunang bilang ng mga nasawi at sugatan habang patuloy na bineberipika ng mga awtoridad ang mga detalye ng insidente.

Ayon kay Palencia, tatlong estudyante ang nasawi at walong iba pa ang nasugatan. Nilinaw naman ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. na hindi pa kumpleto ang pinal na ulat ng imbestigasyon.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang Department of Education sa mga regional at division offices, lokal na pamahalaan at law enforcement agencies para maberipika ang mga pangyayari.

Naglaan din ang DepEd ng psychological first aid at psychosocial support para sa mga apektadong estudyante at pamilya, kasabay ng panawagan sa publiko na huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon.