Nasawi ang isang 22-anyos na graduating student matapos bumangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang garbage truck bandang alas-12:24 ng madaling araw nitong Oktubre 2, sa Barangay Cabaruan, Cauayan City.
Batay sa paunang impormasyon, dalawang indibidwal ang sangkot sa insidente at isinugod sa district hospital ang biktima para sa agarang lunas, ngunit idineklarang dead on arrival.
Ayon sa mga kaanak, pauwi na sana ang biktima sa kanilang bayan sa San Mariano, Isabela nang mangyari ang insidente. Isa umano itong graduating student ng kursong Criminology.
Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang buong detalye ng insidente, kabilang ang eksaktong pagkakakilanlan at pagmamay-ari ng garbage truck na sangkot sa aksidente.
Samantala, malaking katanungan ng pamilya ng biktima kung bakit nag-o-operate ang garbage truck sa lugar nang madaling araw.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang eksaktong sanhi at pangyayari sa insidente.











