--Ads--

Nanawagan ang grupong Isabela Consumers Watch Inc. kay Governor Rodito Albano III na pababain na sa puwesto si ISELCO 2 General Manager Ernie Baggao, dahil umano’y hindi na nito nabibigyang-pansin ang kanyang tungkulin at isa na rin umanong malaking contractor.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Raffy Jacinto, kinatawan ng Consumer Watch Inc., sinabi niyang mas nararapat umanong ibigay ni Baggao ang posisyon sa mga aplikanteng makapaglilingkod nang full-time at may sapat na dedikasyon sa kooperatiba.

Ayon kay Jacinto, nag-post siya sa Facebook ng isang open letter na naka-address sa gobernador, kung saan nananawagan ang kanilang grupo ng mas malinaw na transparency, accountability, at dedikasyon sa pamamahala ng ISELCO 2.

Aniya, napansin ng kanilang grupo ang kakulangan umano sa transparency, lalo na nang humiling sila sa board of directors na magkaroon ng kinatawan ang Consumer Watch Inc. sa bidding and awards committee, kung saan umano nagaganap ang ilang iregularidad.

--Ads--

Upang maiwasan ang mga ito, iminungkahi ng grupo ang pagkakaroon ng kanilang kinatawan, na una umanong inaprubahan ng board of members. Gayunman, nang maupo umano si Baggao bilang general manager, tinutulan niya ang panukala at iginiit na walang legal personality ang grupo.

Mariin namang iginiit ni Jacinto na may legal personality ang Consumer Watch Inc. dahil binubuo ito ng mga consumer-owner at kabilang sa mga nagmamay-ari ng ISELCO 2. Aniya, sa halip na tutulan, makatutulong pa sana ang kanilang grupo sa kooperatiba.

Dahil dito, inihayag ng Consumer Watch Inc. ang kanilang tanong kung may itinatago o kinatatakutan umano ang pamunuan ng ISELCO 2.

Nanawagan din ang grupo ng agarang pagbibitiw ni Baggao matapos igiit na kabilang umano siya sa mga contractor na binanggit ng Pangulo bilang ika-limang malaking contractor na isinapubliko kamakailan.