--Ads--

Patay ang isang guro habang apat na iba pa ang nasugatan matapos magpaputok ng baril ang isang estudyante sa loob ng isang paaralan sa Thailand nitong Biyernes, Agosto 7. Nagpakamatay rin ang suspek matapos ang insidente.

Ayon kay Nonthaburi Provincial Police Commander Lt. Col. Dechrapee Kongdee, kabilang sa mga nasugatan ang isa pang guro at tatlong estudyante. Kinumpirma rin niya na isang mag-aaral ng paaralan ang responsable sa pamamaril.

Nangyari ang insidente sa Debsirin Nonthaburi School sa Bang Kruai District, Nonthaburi Province, sa hilagang-kanlurang bahagi ng Bangkok.

Batay sa paunang ulat ng Thai PBS, nasa 10 hanggang 15 katao ang unang iniulat na nasugatan sa insidente bago ito napatunayang mas mababa matapos ang beripikasyon ng mga awtoridad.

--Ads--

Ayon sa isang 18-anyos na estudyante, una niyang inakalang mga paputok lamang ang narinig niyang sunod-sunod na putok bago niya napagtantong may nagaganap nang pamamaril sa loob ng paaralan.

Agad namang rumesponde ang mga pulis at emergency personnel habang inilikas ang mga estudyante sa lugar. Dinala rin sa ospital ang mga sugatan upang mabigyan ng agarang lunas.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo ng suspek sa pamamaril.