CAUAYAN CITY- Pangkalahatang naging maayos ang pagsasagawa ng 2025 National and Local Elections sa lalawigan ng Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Manuel Castillo, Provincial Election Supervisor ng Commission on Elections Isabela, sinabi niya na kung ikukumpara sa nakalipas na mga halalan ay ito na ang pinaka-maliit na aberya na naitala dahil minimal lamang mga problema na naranasan na agad namang nareresolba.
Malaking bagay din ang pagkakaroon ng contingency o mga reserbang machines sa mga munisipyo dahil agad na napapalitan ang mga machine na nagkaroon ng aberya.
Nagpapasalamat naman si Atty. Castillo dahil walang napaulat na mga election-related incident sa lalawigan ng Isabela.
Samantala, nakatakda naman nilang dalhin ang mga resulta ng nationals positions sa Manila.
Magsasagawa rin sila ng Random Manual Audit sa mga piling clustered precinct sa lalawigan ng Isabela kung saan dadalhin ito ng mga Election Officer sa Manila para sa naturang audit.
Tatlong clustered precinct sa bawat legislative district sa lalawigan ang sasailalim dito kung saan napili ang bayan ng Gamu, Roxas, Cabagan, Santiago City, Cauayan City at Alicia.
Maliban dito ay aabisuhan nila ang mga kandidato na tanggalin ang kanilang mga nakapaskil na posters limang araw matapos ang halalan.
Pinaalalahanan din niya ang mga ito na magsumite ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) makalipas ang 30 araw matapos ang eleksyon.











