Nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng courtesy resignations mula sa kanyang mga kalihim sa Gabinete bilang bahagi ng layunin niyang muling i-calibrate ang direksyon ng kanyang administrasyon matapos ang resulta ng midterm elections.
Ayon sa Pangulo, kailangang iakma ang pamahalaan sa panibagong inaasahan ng taumbayan, na aniya ay humihingi ng resulta hindi pulitika, at hindi palusot.
Ang panawagan ay magbibigay-daan para masuri ang performance ng bawat departamento at matukoy kung sino ang nararapat manatili.
Giit ni Pangulong Marcos, “Hindi ito tungkol sa personalidad, kundi sa performance at agarang aksyon.” Dagdag pa niya, hindi na puwedeng maging kampante sa harap ng pabago-bagong pangangailangan ng bansa.
Ito ay kasunod ng kanyang pahayag na “pagod na ang taumbayan sa pulitika” at nadidismaya na sa mabagal na serbisyo ng pamahalaan.
Samantala, sa 12 bagong halal na senador sa Eleksyon 2025, anim ang inendorso ni Marcos sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas. Sa hiwalay na panayam, inamin niyang mas nais sana niya ang mas magandang resulta ng halalan.