--Ads--

Hindi pa kompleto ang naisusumiteng Statement of Contribution and Expenditures (SOCE) sa tanggapan ng Commision on Election (Comelec) Cauayan.

Sa ngayon ay mayroon pang 10 na tumakbong kandidato ang hindi pa nakakapagsumite.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Johanna Vallejo, City Election Officer, sinabi niya na dalawang araw bago ang deadline ng pagsusumite ng SOCE ay mayroon pa lamang 14 na tumakbong kandidato ang nakapagsumite na.

Bagaman ngayong araw na ang deadline ay mas mainam aniya kung aasikasuhin na ito agad ngayong araw upang hindi na makaligtaang magsumite dahil mataas ang multa para sa mga hindi magpapasa.

--Ads--

Nanalo man o natalo ang tumakbong kandidato ay kinakailangang magsumite ng SOCE dahil hindi nila maikakailang wala silang ginastos sa katatapos na halalan.

Ayon pa kay Atty. ang mga nakapag pasa na ng SOCE ay ang mga nanalong kandidato, habang hindi rin nagkukulang ang tanggapan na paalalahanan na magsumite ang mga natalong kandidato.

Ipinapaalala pa ni Atty. Vallejo na mayroong kaukulang multa sakaling hindi magsumite ng SOCE ang isang tumakbong kandidato at pwede namang mabakante ang posisyon ng nahalal na kandidato.

Ang mga dokumentong ipapasa ay kinakailangang notaryado at may pirma ng kandidato o treasurer ng political party bago ito personal na isusumite sa opisina ng Comelec.

Sakaling hindi makapunta upang mag sumite ang isang kandidato, maaari namang ang kanyang authorized representative na may Special Power of Attorney ang pumunta.

Hinihikayat pa ni Election Officer ang mga kandidato na huwag nilang talikuran ang kanilang tungkulin sa pagsumite ng SOCE.

Inaasahan naman na hindi makakaligtaan ang tungkuling ito at bukas hahabol na mag sumite ng SOCE ang 10 na indibidwal.