--Ads--

Nasabat ng mga awtoridad ang mga pinaniniwalaang smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱748,000 matapos abandonahin ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa isinagawang hot pursuit operation sa Brgy. Pinoma, Cauayan City, Isabela.

Batay sa ulat ng Cauayan Component City Police Station (CCPS), nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang confidential informant hinggil sa umano’y pagdadala ng mga ilegal na sigarilyo gamit ang isang puting Toyota Hiace van na walang plaka na bumiyahe mula Santiago City patungong Cauayan City.

Dahil dito, agad na nagsagawa ng checkpoint operation ang mga pulis sa Brgy. Nungnungan II. Subalit nang mapansin ng driver ang checkpoint, bigla itong umiwas at mabilis na tumakas patungo sa Cabatuan-Cauayan City Bypass Road dahilan upang magsagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad.

Bandang alas-11:45 ng gabi, habang nagpapatuloy ang paghahanap sa tumakas na sasakyan, napansin ng mga operatiba ang ilang nakasalansang garbage bags sa isang madilim at liblib na bahagi ng barangay road sa Brgy. Pinoma.

--Ads--

Nang inspeksyunin, natuklasang naglalaman ang mga ito ng iba’t ibang uri ng sigarilyong walang kaukulang tax stamps at pinaniniwalaang smuggled goods. Kabilang sa mga nakuhang kontrabando ang 201 reams ng Red Marshal cigarettes, 400 reams ng Green Marshal cigarettes, 18 reams ng Black RGD cigarettes, 28 reams ng Blue Marshal cigarettes, 38 reams ng Bon cigarettes, walong reams ng Nise cigarettes, limang reams ng HP cigarettes at 50 reams ng Commando cigarettes.

Umabot na sa 748 reams ng iba’t ibang klase ng sigarilyo na may tinatayang halaga na ₱748,000 ang narekober ng mga awtoridad. Agad namang minarkahan at isinailalim sa inventory ang mga nakuhang ebidensya sa presensya ng mga opisyal ng Barangay Pinoma.

Nakipag-ugnayan na rin ang Cauayan CCPS sa mga kinauukulang ahensya para sa beripikasyon at tamang disposisyon ng mga nakuhang kontrabando habang nagpapatuloy ang follow-up investigation upang matukoy ang pinagmulan at mga may-ari ng mga ilegal na produkto.

Patuloy naman niyang hinikayat ang publiko na makiisa at agad na iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan at kaligtasan sa lalawigan.