--Ads--

Halos 500 indibidwal ang nagtungo sa tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) Cauayan City sa huling araw ng voter registration para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Johanna Vallejo, Election Officer ng COMELEC Cauayan City, sinabi nito na umabot sa 459 ang kabuuang bilang ng mga aplikanteng nagtangkang magparehistro kahapon.

Ayon kay Atty. Vallejo, bago pa man magbukas ang kanilang tanggapan alas-8:00 ng umaga ay marami nang naghihintay kaya agad silang naglatag ng mga upuan sa ground floor ng gusali upang ma-accommodate ang mga aplikante.

Aniya, dahil nasa ikatlong palapag ang kanilang opisina ay sinikap nilang maging maayos at organisado ang daloy ng mga magpaparehistro lalo na’t inaasahan na nila ang dagsa ng tao sa huling araw.

--Ads--

Nagpatupad din umano sila ng alas-3:00 ng hapon na cut-off para sa pila kung saan tanging mga nasa loob lamang ng itinakdang 30-meter radius ng gusali ang kanilang tinanggap para sa registration.

Sinabi ng Election Officer na kahit lumampas na ng alas singko ng hapon ay ipinagpatuloy pa rin nila ang pagproseso sa mga aplikanteng kabilang sa opisyal na cut-off listahan.

Dalawa naman umano sa mga nagtangkang magparehistro ang hindi tinanggap matapos matukoy ng kanilang system na underage ang mga ito para sa SK elections.

Ipinaliwanag ni Atty. Vallejo na maaari lamang magparehistro bilang SK voter ang mga indibidwal na sasapit sa edad na 15 taong gulang bago ang November 2, 2026.Ayon pa kay Atty. Vallejo, hindi awtomatikong rehistradong botante ang isang aplikante matapos magsumite ng requirements dahil dadaan pa ito sa Election Registration Board hearing upang matiyak na walang double o multiple registration bago tuluyang maisama sa opisyal na listahan ng mga botante.