Itinanggi ng Philippine National Police (PNP) na nagsagawa ito ng rescue operation sa limang indibidwal, kabilang ang isang dating household staff ni Vice President Sara Duterte, na umano’y pinilit na pumirma sa affidavit na naglalaman ng mga maling alegasyon.
Ayon sa PNP nitong Biyernes, hiniling ng mga abogado ng isa sa mga dating tauhan na samahan sila ng mga pulis sa isang hotel sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig noong Nobyembre 17 upang sunduin ang limang indibidwal.
Sinabi ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na natagpuan ang mga ito sa hotel na walang restriksiyon sa kanilang kalayaan at wala ring iniulat na agarang banta sa kanilang kaligtasan.
Pagdating sa presinto, tumanggi umano ang mga indibidwal na gumawa ng affidavit tungkol sa sinasabing pagkakapiit at hindi rin tinukoy kung sino ang responsable sa umano’y pagbabanta.
Ang mga abogado naman ang nagsumite ng affidavit na naging batayan ng police blotter.
Binigyang-diin ng PNP na walang naganap na rescue o pagpapalaya dahil wala namang taong pinipigilang umalis sa naturang lugar.
Matapos maidokumento ang insidente, kusa ring umalis ang limang indibidwal sa himpilan ng pulisya nang hindi humihingi ng karagdagang tulong.











