--Ads--

Nakapagtala ang Land Transportation Office (LTO) Santiago ng kabuuang 1,237 traffic violators sa isinagawang operasyon nitong Pebrero.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Dennis Buendia, Officer-in-Charge ng LTO Santiago, sinabi nito na sa nasabing bilang ay 494 pa lamang ang nakapag-settle ng kanilang mga paglabag, habang ang iba ay hindi pa nababayaran ang kaukulang multa.

‎Ayon kay Buendia, posibleng isa sa mga dahilan kung bakit hindi pa nakakapagsettle ang ilan ay ang hirap ng mga ito na agad makapaglabas ng pera para sa kanilang multa.

‎Kabilang sa mga karaniwang paglabag na naitala ng tanggapan ang invalid o expired registration, pagmamaneho nang walang lisensya, hindi pagsusuot ng helmet, hindi paggamit ng seatbelt, defective lights at accessories, pagmamaneho habang naka-tsinelas, defective brake lights, unauthorized modification ng sasakyan, colorum na operasyon, at failure to carry OR/CR.

‎Ipinaliwanag ni Buendia na may kaukulang multa ang bawat paglabag at Ayon sa kanya, ₱12,000 ang multa para sa unregistered vehicle, habang ₱3,000 naman para sa pagmamaneho nang walang lisensya o may invalid na lisensya tulad ng delinquent o inappropriate license, pati na ang paggamit ng student driver’s permit nang walang kasamang lisensyadong driver.

‎Samantala, ₱1,500 ang multa sa unang paglabag sa helmet law, ₱1,000 para sa seatbelt violation, ₱5,000 para sa defective accessories, at ₱1,000 naman para sa pagmamaneho habang naka-tsinelas.

‎Para naman sa colorum na operasyon, sinabi ng opisyal na maaaring umabot sa ₱200,000 ang multa para sa mga van, habang ₱1,000 naman ang penalty sa failure to carry OR/CR.

‎Nagbabala rin si Buendia na awtomatikong masususpinde ang lisensya ng driver kung hindi mababayaran o maaayos ang paglabag matapos ang 15 working days mula nang ito ay maitala, dahilan upang hindi muna sila makapagmaneho hanggang sa ma-settle ang kanilang violation.
‎‎
‎Sa kasalukuyan, sinabi ng opisyal na isang enforcement team na binubuo ng limang tauhan ang nakatalaga upang magsagawa ng operasyon at pagpapatupad ng mga batas-trapiko sa lungsod.