Patuloy na pinaaalalahanan ng Santiago City Parole and Probation Office ang publiko hinggil sa hamon ng pagbabalik ng ilang probationers sa ilegal na droga at kriminalidad, sa kabila ng mga programang rehabilitasyon na ipinatutupad ng pamahalaan.
Ayon kay Genevieve Damit-og, Chief Probation and Parole Officer ng Santiago City Parole and Probation Office, mahigit 253 probationers ang kasalukuyang mino-monitor ng kanilang tanggapan sa mga bayan ng Cordon, Echague, Jones, San Agustin, San Isidro, Ramon, Dinapigue, at sa Santiago City, kung saan karamihan ay may kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.
Bukod dito, nasa ilalim din ng kanilang pangangasiwa ang nasa 20 parolees sa mga nasabing lugar.
Aniya, may ilang probationers ang muling nasasangkot sa krimen at nauuwi sa pagbabalik sa kulungan sa kabila ng mahigpit na monitoring at mga intervention program na ibinibigay ng kanilang opisina.
Sinabi ng opisyal na nakalulungkot para sa kanilang tanggapan ang muling paglabag ng ilan sa batas sa kabila ng patuloy na rehabilitasyon at paggabay sa mga ito.
Ipinaliwanag din niya na kabilang sa mga nakikitang dahilan ng pagbabalik ng ilan sa ilegal na gawain ay kahirapan, kakulangan sa oportunidad, at impluwensya ng kanilang kapaligiran, lalo na kapag nakararanas ng matinding pangangailangan sa buhay.
Sa kabila nito, tiniyak ng Santiago City Parole and Probation Office na patuloy nilang paiigtingin ang monitoring, rehabilitation, at koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan upang mabawasan ang bilang ng mga muling nasasangkot sa kriminalidad.





