--Ads--


Mahigit 100 estudyante sa Lungsod ng Cauayan ang napabilang sa Special Program for Employment of Students (SPES) ng Department of Labor and Employment (DOLE) Isabela Field Office bilang bahagi ng programa ng pamahalaan na nagbibigay ng pansamantalang trabaho sa mga kabataan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Reginald Estioco, Provincial Head ng DOLE Isabela Field Office dumaan sa masinsinang proseso ang kanilang tanggapan upang matukoy at ma-assess ang mga karapat-dapat na benepisyaryong mapabilang sa programa.

Aniya, layunin nilang matiyak na ang mga mabibigyan ng oportunidad ay tunay na nangangailangan at kwalipikado para sa naturang programa.

Ipinaliwanag din ni Estioco na bukod sa mga regular na estudyante, maaari ring mapabilang sa SPES ang mga out-of-school youth basta’t may maipapakita lamang na sertipikasyon na sila ay muling magbabalik sa pag-aaral.

--Ads--

Sa ilalim ng programa, magtatrabaho ang mga benepisyaryo sa loob ng 20 araw upang magkaroon ng karagdagang kita habang bakasyon. Ang SPES ay isang programa ng DOLE na naglalayong matulungan ang mga mahihirap ngunit deserving na estudyante at kabataan na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay ng temporary employment.

Ayon pa sa DOLE, 60 porsyento ng sahod ng mga benepisyaryo ay manggagaling sa employer habang ang natitirang 40 porsyento naman ay sasagutin ng DOLE.

Samantala, ibinahagi naman ng isa sa mga napiling estudyante na si John Patrick Bernadit na napakalaking tulong ng programa hindi lamang sa aspetong pinansyal kundi maging sa pagkuha ng karanasan na maaari niyang magamit sa mga susunod na oportunidad.

Aniya, malaking bagay ang pagkakaroon ng actual work experience habang siya ay nag-aaral dahil makatutulong ito sa kaniyang paghahanda sa hinaharap.

Bukod sa SPES orientation at deployment, nagsagawa rin ang DOLE Isabela Field Office ng Employment Forum upang mabigyan ng karagdagang kaalaman ang mga benepisyaryo hinggil sa paghahanda sa trabaho at iba’t ibang oportunidad sa employment.

Kasabay rin nito ang isinagawang payout para sa mahigit 400 na benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD bilang bahagi ng patuloy na ayuda at assistance program ng ahensya para sa mga manggagawang nangangailangan ng pansamantalang hanapbuhay.