
CAUAYAN CITY – Inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakilanlan ng isang lalaki na pinatay at sinunog ang bangkay gamit ang goma sa Carmencita, Delfin Albano, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Fresiel Dela Cruz, hepe ng Delfin Albano Police station, sinabi niya na una silang nakatanggap ng ulat mula sa barangay kapitan ng barangay Carmencita kaugnay sa nasusunog na bangkay.
Hirap sila sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng biktima dahil sa tinamong 3rd degree burns at tanging palatandaan sa kanya ay ang buckle ng kanyang sinturon.
Ayon pa kay PCpt Dela Cruz, hiniling nila na isailalim sa awtopsiya ang bangkay ng lalaki para matukoy kung may tama ng bala ng baril sa kanyang ulo.
Batay sa ilang saksi, may dumaang motorsiklo sa nasabing lugar at dakong alas onse ng gabi nang mamataan ang nasusunog na bangkay ngunit natakot ang mga residente na lumapit sa lugar.
Nagbigay ng alarma ang Delfin Albano Police Station sa mga kalapit na himpilan ng pulisya subalit wala pa rin silang natatanggap na report kaugnay sa mga nawawalan ng kamag-anak.










