--Ads--

Nahaharap sa problema ang ilang gumagamit ng eGov PH application dahil hindi lumalabas sa kanilang account ang kanilang Digital National ID.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Maria Katrina Macasaddu, Project Development Officer I ng DigiGov ng Department of Information and Communications Technology o DICT, sinabi nitong karaniwang concern ng publiko ang hindi paglitaw ng Digital National ID matapos magparehistro sa app.

Ayon kay Macasaddu, kailangang tiyaking eksaktong magkatugma ang personal information sa eGov PH account at National ID o PhilSys record, kabilang ang spelling at pagkakasunod-sunod ng pangalan at suffix kung mayroon.

Kung may hindi tugmang impormasyon, maaaring i-delete ang eGov PH account at muling magparehistro gamit ang eksaktong detalye sa National ID record.

--Ads--

Kung tama naman ang impormasyon ngunit hindi pa rin lumalabas ang Digital National ID, maaaring ireport ito sa DICT para maipasa sa Central Office at maaksyunan.

Maaari ring humingi ng assistance sa DICT ang mga nangangailangan ng gabay, kabilang ang mga senior citizen at hindi pamilyar sa digital services. Tumatanggap sila ng walk-in clients at concerns sa Facebook page na DICT eGov PH Region 2.

Pinaalalahanan naman ang publiko na tiyaking tama at kumpleto ang kanilang impormasyon upang maiwasan ang problema sa paggamit ng eGov PH at iba pang digital government services.