--Ads--

Nagbitiw umano sa puwesto si Department of Information and Communications Technology o DICT Secretary Henry Aguda, ayon kay Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla nitong Sabado.

Una nang itinanggi ng Malacañang ang mga kumalat na ulat tungkol sa pagbibitiw ni Aguda. Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, wala silang impormasyong nagpapatunay na nagbitiw na ang kalihim matapos siyang makausap at sabihing nakatuon pa rin ito sa pagpapatuloy ng mga programa ng ahensya.

Nabanggit din ni Aguda na nakasalalay sa desisyon ng Pangulo ang pananatili niya sa puwesto at igagalang niya ang anumang pasya nito.

Nauugnay ang usapin sa mga batikos sa DICT kaugnay ng pansamantalang pagharang sa Discord noong Setyembre, gayundin sa imbestigasyon ng Ombudsman sa umano’y mga iregularidad sa programang Free Wi-Fi ng pamahalaan.

--Ads--

Nagsilbi si Aguda bilang kalihim ng DICT mula Marso 2025, kapalit ni Ivan Uy. Wala pang opisyal na pahayag ang Malacañang tungkol sa iniulat na pagbibitiw sa oras ng pagkakasulat ng ulat.