--Ads--

Humihingi ng tulong ang Department of Information and Communications Technology (DICT) Isabela sa pamahalaang panlalawigan upang matugunan ang problema sa internet connectivity sa bayan ng Maconacon, Isabela ata kalapit lugar nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Bryan Tomas, System Analyst 2 ng DICT Isabela, sinabi nitong kanilang naobserbahan ang nasabing suliranin nang magsagawa sila ng mga aktibidad sa coastal area kamakailan, kabilang na ang pag-iestablish ng eLGU system.

Aniya, isa sa pangunahing hamon sa lugar ay ang hindi matatag na koneksyon sa kuryente na siyang nakakaapekto sa internet services.

Ipinaliwanag ni Engr. Tomas na hindi tulad sa mainland Isabela na may maayos na suplay ng kuryente, ang Maconacon ay nakararanas ng hindi tuloy-tuloy na power supply.

--Ads--

Dahil dito, nagiging mahirap ang pagpapanatili ng stable na internet connection, lalo na sa pagpapatupad ng eLGU system na nangangailangan ng tuloy-tuloy na online monitoring at serbisyo.

Dagdag pa niya, mas lalo pang pinapalala ng kasalukuyang sitwasyon sa suplay ng produktong petrolyo ang problema sa kuryente, na direktang nakaaapekto sa digital connectivity sa lugar.

Kaugnay nito, nanawagan ang DICT sa provincial government na mabigyan ng agarang solusyon ang nasabing isyu upang masigurong magiging epektibo ang digital services at tuloy-tuloy ang serbisyong maibibigay sa mga residente ng Maconacon.