Magsisimula na sa Marso 25, 2026 ang pormal na pagdinig ng House Committee on Justice sa impeachment laban kay VP Sara Duterte, kung saan sisimulan na ang presentasyon ng ebidensya at testimonya ng mga saksi, ayon kay Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro.
Ito ay kasunod ng pag-apruba ng Kamara sa resolusyon na nagpapahintulot sa komite na ipagpatuloy ang pagdinig kahit naka-recess ang Kongreso mula Marso 21 hanggang Mayo 3. Nakasaad din na ang mga susunod na pagdinig ay nakatakda sa Abril 14, Abril 22, at Abril 29 upang matiyak ang pagdalo ng mga miyembro sa kabila ng break sa sesyon.
Ipinaliwanag ni Luistro na kinakailangang maagang itakda ang mga petsa dahil inaasahang abala ang mga mambabatas sa kani-kanilang distrito habang recess. Layunin nitong maabisuhan ang lahat ng miyembro ng komite ng hustisya nang maaga upang matiyak ang kanilang pagdalo.
Nauna nang kinilala ng komite noong Marso 4 na sapat ang substansya ng mga reklamo sa impeachment laban kay Duterte. Kabilang sa mga paratang ang betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution kaugnay ng umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds at pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ng kanyang pamilya.











