Sa isang supplemental affidavit na isinapubliko sa pagdinig ng House committee on justice, inilahad ni Ramil Madriaga ang ilang malalaking alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte, kabilang ang umano’y paghihirap nito sa pag-aaral noong nasa law school pa.
Ayon kay Madriaga, na nagsabing dati siyang “bagman” ng bise presidente, ibinahagi umano sa kanya ni Assistant Special Prosecutor Ryan Rey Quilala ng Office of the Ombudsman—na dati umanong propesor sa San Sebastian College of Law (SSC-Law)—ang naging karanasan ni Duterte sa paaralan.
Giit ni Madriaga, sinabi umano ni Quilala na hindi naging maganda ang academic performance ni Duterte at madalas umano itong nahihirapan sa mga asignatura, bukod pa sa umano’y pagiging “rude and violent” sa ibang estudyante. Wala pang independiyenteng kumpirmasyon sa mga paratang na ito.
Dagdag pa niya, ginamit umano ni Quilala ang kanyang impluwensya sa SSC-Law upang matulungan si Duterte na makapasa sa kabila ng umano’y mahinang academic performance nito.
Ayon pa kay Madriaga, kalaunan ay naging bahagi umano si Quilala ng network ni Duterte sa politika at propesyon, kabilang ang pagkakasangkot sa isang grupo na tinawag na Initiative for Social Justice, Innovation, and Progress Pilipinas Inc., na inorganisa umano bilang suporta sa kanyang 2022 presidential bid.
Ibinunyag din ni Madriaga na personal umano siyang naghatid ng pera kay Quilala sa tanggapan ng Ombudsman, ngunit hindi siya nagbigay ng karagdagang detalye kung para saan ito.
Samantala, muling iginiit ni Madriaga na matagal na ang ugnayan niya sa pamilya Duterte at siya ay ipinakilala umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa bise presidente noong 2018, na taliwas sa naunang pahayag ng kampo ni VP Sara na hindi niya ito kilala.
Sa ngayon, wala pang opisyal na tugon mula sa kampo ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng mga alegasyon.











