--Ads--

Hihiling ang House prosecution sa Senate impeachment court na magpalabas ng subpoena laban kay Mary Grace Piattos, isa sa mga pangalang nakalista bilang tumanggap umano ng confidential funds ng Office of the Vice President o OVP.

Ayon kay private prosecution counsel Lorna Kapunan, lumitaw ang pangalan ni Piattos sa mga acknowledgment receipt na isinumite ng OVP, na kinukuwestiyon ng prosekusyon dahil sa umano’y kahina-hinalang mga detalye nito.

Sinabi ni Kapunan na ilang beses na nilang sinubukang hanapin si Piattos ngunit hindi nila ito matagpuan. Dahil dito, plano nilang ipadala ang subpoena sa Office of the Vice President.

Dagdag pa ni Kapunan, maghahain din ang prosekusyon ng expert witness upang suriin at mapatunayan ang pagiging tunay ng mga lagda sa acknowledgment receipts na kalakip ng liquidation reports ng OVP.Sa kasalukuyan, dinidinig ng Senate impeachment court ang Article I ng Articles of Impeachment na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng P500 milyong confidential funds ng OVP at karagdagang P112.5 milyong confidential funds ng Department of Education noong si Vice President Sara Duterte pa ang kalihim ng ahensya.

--Ads--