--Ads--

Iginiit ni House prosecutor at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon na walang basehan ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na political persecution ang mga kasong kinakaharap nito, dahil mismong sa mga aksyon at dokumentong isinumite ng Pangalawang Pangulo nagmula ang mga ebidensyang ginagamit laban sa kanya.

Sa Saturday News Forum sa Quezon City, sinabi ni Ridon na si Duterte mismo ang nagbigay ng mga dokumento at pahayag na naging batayan ng mga reklamong isinampa laban sa kanya.

Ayon kay Ridon, ang mga dokumentong isinumite ng mga tanggapan ni Duterte sa Commission on Audit ang naging batayan ng mga kuwestiyon sa paggamit ng confidential funds, habang ang kanyang mga naging pahayag hinggil sa umano’y banta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez ang naging dahilan ng mga kasong grave threats.

Binigyang-diin ng kongresista na kung walang nakitang mga red flag sa paggamit ng confidential funds, wala umanong magiging batayan para sa bahagi ng impeachment complaint na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng naturang pondo.

--Ads--

Dagdag pa niya, wala ring magiging usapin tungkol sa umano’y unexplained wealth kung walang mga dokumentong nagbunsod sa imbestigasyon ng mga awtoridad.

Sa kasalukuyan, nahaharap si Duterte sa tatlong kasong grave threats sa Quezon City Regional Trial Court kaugnay ng kanyang mga naging pahayag noong Nobyembre 2024.

Samantala, nakumpleto na ng House prosecution panel ang paglalahad ng ebidensya kaugnay ng grave threats at confidential funds issue sa impeachment proceedings. Nakatakda namang simulan sa Lunes ang presentasyon ng ebidensya para sa artikulo na may kaugnayan sa umano’y unexplained wealth ng Pangalawang Pangulo.