--Ads--

Nanawagan ng hustisya ang ina ng 42-anyos na delivery rider na si alyas “Nick,” na nasawi matapos pagbabarilin sa Barangay Union, Cauayan City, Isabela, at hinimok ang sinumang responsable sa kanyang pagkamatay na harapin ang kanilang ginawa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Isabel Rios, ina ng biktima, sinabi niyang natutulog na sila nang marinig niya ang pagdating ni “Nick” sa kanilang bahay.

Ilang sandali lamang umano ang lumipas nang makarinig siya ng tatlong magkakasunod na putok ng baril.

Agad umanong lumabas ang anak ni “Nick” at nakita ang isang lalaki na sumakay sa motorsiklo bago mabilis na umalis sa lugar.

--Ads--

Nang lumabas naman si Ginang Isabel, nakita niya ang kanyang anak na nakabulagta at duguan sa harap ng kanilang bahay.

Ayon kay Ginang Isabel, nagtamo umano ng tama ng bala sa ulo ang kanyang anak, habang may mga butas din sa likod ng kanyang damit na nakita matapos ang insidente.

Dinala pa sa ospital si “Nick” ngunit idineklarang dead on arrival bago inilipat sa morgue.

Ayon pa kay Ginang Isabel, galing umano sa isang party ang kanyang anak at umuwi sa kanilang bahay upang kunin ang kanyang motorsiklo bago sana muling pumunta sa bayan kasama ang kanyang mga kaibigan.

May CCTV camera rin umano sa isang paaralan na nakatutok sa bahagi ng kanilang bahay. Gayunman, hindi nito nakuhanan ang aktuwal na pamamaril at tanging isang motorsiklo na mabilis na palabas ng lugar ang nakita.

Batay naman sa kuwento ng mga pamangkin ni Ginang Isabel, nakakita umano sila ng dalawang taong sakay ng motorsiklo na kapwa naka-helmet at mabilis na nagmamaneho bandang alas-9:30 ng gabi.

Pitong taon nang nagtatrabaho bilang delivery rider si alyas “Nick”.

Naiwan niya ang kanyang 18-anyos na anak, habang nasa Bacolod naman ang kanyang asawa at matagal nang hiwalay sa kanya.

Sa gitna ng pagdadalamhati, muling nanawagan si Ginang Isabel sa sinumang responsable sa pagkamatay ng kanyang anak na magkaroon ng konsensya at harapin ang kanilang ginawa.

Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang suspek, motibo at buong pangyayari sa pamamaril.