
CAUAYAN CITY – Sumisigaw ng hustisya ang pamilya ng isang tricycle driver na nasawi sa pamamaril kahapon sa daan sa boundary ng San Luis, Cauayan City at Minanga, Naguilian, Isabela.
Ang biktima na si Severino Bayubay, 44 anyos, residente ng Villa Luna, Cauayan City ay nagtamo ng apat na tama ng bala sa kanyang dibdib at tiyan.
Binabagtas ng kanyang minamanehong tricycle ang daan sa nasabing lugar sakay ang mga pinamiling plywood at iba habang siya ay pauwi galing sa pamilihan ng Cauayan City nang siya ay pagbabarilin ng mga hindi pa nakilalang suspek na sakay ng motorsiklo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Lourdes Bayubay, sinabi niya na mabait at mabuting tao ang kanyang asawa at wala siyang alam na kasalanan nito para siya ay patayin.
Aniya, namamasada ng tricycle ang kanyang asawa at wala silang nababalitaan na kaaway nito.
Umalis siya sa kanilang bahay kahapon para bumili sa palengke at nalaman na lamang niya ang nangyari sa kanyang mister nang itawag na ito sa kanya.
Humihingi ng hustisya si Ginang Bayubay sa pagkamatay ng kanyang asawa at hiniling sumuko na ang mga salarin at pagdusahan ang pagpatay sa kanyang asawa.
Labis ang pagdadalamhati ni Ginang Bayubay dahil 12 taon siya sa ibang bansa at umuwi siya noong Disyembre 2019 para makapiling na ang kanyang pamilya.
Hindi niya matanggap ang nangyari sa kanyang mister na habambuhay na niyang hindi makakasama.
Masakit ito para kay Ginang Bayubay sapagkat matagal na hindi nakapiling ang asawa dahil sa mahigit isang dekada niyang pagtatrabaho sa ibang bansa.










