CAUAYAN CITY – Hustisya ang hangad ng pamilya ng grade 11 student na pinagsasaksak hanggang mamatay noong gabi ng Linggo, ika-4 ng Oktubre 2020 sa San Fermin, Cauayan City.
Kahapon ng umaga nang matagpuan ni Barangay Kagawad Reynaldo Perez ang wala nang buhay na katawan ng biktima sa tabi ng Community Center.
Inihayag ng pamilya ng biktimang si Aize Rafael Dalupang, 18 anyos na pangarap niyang maging isang inhinyero at sabik siya sa pagbabalik sa eskwela sana kahapon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Peter Dalupang, sinabi niya na si Rafael ang panganay na anak ng kanyang kapatid at unang apo ng kanilang pamilya kaya masakit sa kanila ang kalunus-lunos na pagpatay sa kanya.
Aniya, marahil ay inggit o babae ang dahilan ng pagpatay sa kanyang pamangkin batay sa kanyang mga chat.
Umabot sa 15 ang saksak sa katawan ni Rafael maliban sa pagpukpok ng bato sa kanyang ulo.
Ayon kay Ginoong Dalupang, taekwondo player ang kanyang pamangkin at may hinala silang nanlaban dahil may mga saksak sa kanyang braso.
Sa pagkakaalam ni Ginoong Dalupang ay galing ang kanyang pamangkin sa isang pagdiriwang ng birthday at pag-uwi ay inaya siya sa inuman at dito nangyari ang pananaksak sa kanya.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Escarlette Topinio, information officer ng Cauayan City Police Station, sinabi niya na patuloy ang kanilang imbestigasyon sa pangyayari.
Inaalam pa nila kung sino ang mga nakasama ng biktima at isa sa kanilang tinitingnang anggulo ay ang sinabi ng kanyang kasintahan na may nakaalitan siya noon.
Nanawagan ang Cauayan City Police Station sa mga nakakita o nakakaalam sa pagkakakilanlan ng mga nakasama ng biktima na ipabatid ito sa kanilang himpilan upang mabigyan ng hustisya ang pagpatay sa binatilyo.












