Arestado ang isang high-value individual (HVI) na mino-monitor ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos masakote sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay La Torre South, Bayombong, Nueva Vizcaya noong gabi ng Hulyo 22.
Sa isinagawang operasyon ng Provincial Drug Enforcement Group (PDEG) sa koordinasyon ng PDEA Nueva Vizcaya, naaresto ang suspek na kinilalang si alyas “Kiko,” 39-anyos, may asawa, tricycle driver at residente ng nasabing barangay.
Nakumpiska mula sa suspek ang anim na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 20 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng ₱136,000.
Nasamsam din ang isang tunay na ₱1,000 bill at 63 piraso ng pekeng ₱1,000 bill na ginamit bilang marked money, isang motorsiklo, at isang bakanteng kahon ng playing cards na umano’y pinagtaguan ng iligal na droga.
Isinagawa ang pagmamarka at imbentaryo ng mga ebidensya sa lugar ng operasyon sa harap ng suspek at mga kinatawan mula sa Department of Justice, media, at barangay.
Dinala ang suspek sa Bayombong Municipal Police Station para sa dokumentasyon habang isasailalim naman sa laboratory examination ang mga nakumpiskang hinihinalang shabu.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











