--Ads--

CAUAYAN CITY – Iginiit ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na political will ang kailangan sa pagsugpo sa  kurapsiyon sa pamahalaan at hindi ang pagbuo ng Kamara ng bagong committee para tutukan ang red tape sa pamahalaan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay IBP President Atty. Domingo Cayosa, sinabi niya na napakarami nang batas na pinagtibay para labanan ang red tape at kurapsiyon ngunit kulang sa implementasyon.

Matatandaan na bumuo si House Speaker Alan Peter Cayetano ng committee upang labanan ang red tape sa pamahalaan.

Ayon kay Atty. Cayosa, ang kailangan ay political will sa pagpapatupad sa mga batas dahil madalang ang mga natatanggal o nakukulong na sangkot sa katiwalian.

--Ads--

Iginiit niya na hindi na bago ang Anti-Red Tape Law kaya dapat alam na ng mga ahensiya ng pamahalaan ang mga gagawin dahil matagal na itong napag-aralan.

Ang mga tinatanggal na opisyal ng pamahalaan dahil sa kurapsiyon ay inilalagay sa ibang puwesto kaya wala nang takot ang mga tiwaliang opisyal sa gobyerno at nanawalan ng tiwala ang taumbayan dahil sa kawalan ng pagbabago.

Ayon pa kay Atty. Cayosa, kahit sa panahon ng COVID-19 pandemic ay maraming barangay kapitan ang nagkaroon ng anomalya sa pamamahagi ng ayuda at hanggang ngayon ay wala pa ring natatanggal o naipapakulong sa kanila.

Kung gusto umanong sugpuin ng administrasyong Duterte ang red tape at kurapsiyon sa pamahalaan ay kailangang magpakita ng political will ang Pangulo.

Ang pahayag ni Atty. Domingo Cayosa.