--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakikisimpatiya ang pamunuan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) national chapter sa pamilya Laude at sa Lesbian, Gay, Bisexual,Transgender and Questioning (LGBTQ) community sa bansa  sa kanilang pagtutol sa paggawad ng absolute pardon sa sundalong Amerikano na pumatay sa transgender na si Jennifer Laude .

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay IBP National President Domingo Cayosa, sinabi niya na  bagamat nakikisimpatiya sila sa LGBTQ community, nakasaad sa Saligang Batas na prerogative ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paggawad ng pardon sa sinumang nahatulan sa kasong kriminal bilang act of mercy matapos mapagsilbihan ang minimum na hatol sa kanila.

Paliwanag ni Atty.  Cayosa na tatlong aspeto lamang ang tinitingnan para ma-disqualify sa pardon ang isang convicted criminal.

Ito ay kung ang nahatulan ay  isang mataas na opisyal ng pamahalaan na sinentensiyahan dahil sa impeachment case, may mga nakabinbing apela sa hukuman  at  may kaugnayan sa  political case.

--Ads--

Sinabi ni Atty. Cayosa na lumusot sa nasabing mga aspeto si Lance Corporal Joseph Scott Pemberton at legal ang paggawad ng pardon sa kanya.

Sa kabila nito ay iginiit niya na nakikiramay ang buong IBP sa pamilya Laude at nakikiisa sa mga LGBTQ community dahil sa naging pasya ng Pangulo.

Aniya, maaaring maraming nagtataka sa biglaang pagkakaloob ng Pangulo ng absolute pardon kay Pemberton sa kabila ng ibinigay na Good Conduct Time Allowance (GCTA) sa kanya  na hindi naisapinal dahil sa paghahain ng mosyon ng Pamilya Laude.

Nilinaw ni Atty. Cayosa na sakop lamang ng pardon ang krimen na nagawa ni Pemberton at hindi nito inaalis ang civil liability niya sa Pamilya Laude.

Hinimok ni Atty. Cayosa si Pemberton na humingi ng tawad sa pamilya Laude bilang pagpapakita ng kaniyang pagsisisi at pagtanggap sa kanyang pagkakamali.

Ang pahayag ni Atty. Domingo Cayosa.