CAUAYAN CITY – Naitala ang isang 59 anyos na ginang na ikalawang nasawi sanhi ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Genaro Manalo, City Health Officer ng Santiago City, kinumpirma niya ang pagkasawi ng ginang na residente ng Plaridel, Santiago City.
Siya ay nagpositibo sa virus at may comorbidity na diabetes at hypertension.
Wala siyang kasaysayan ng paglalakbay at na-confine sa Santiago Medical City (SMC) sa Santiago City.
Ayon kay Dr. Manalo, nasawi sa nasabing ospital ang pasyente na maaaring nahawa sa kaniyang mister na inspector sa isang bus Company na tumatanggap ng mga padala o parcel.
Unang nagpositibo sa COVID-19 ang asawa ng ginang at nahawaan ang ilan pang miyembro ng kanilang pamilya.
Ayon kay Dr. Manalo, masasabi nang community transmission ang nagaganap sa Santiago City dahil sa pagpositibo ng ilang indibidual na walang kasaysayan ng paglalakbay.
Sa kabila nito ay sinisikap pa rin ng CHO na alamin ang maaaring sanhi ng hawaan upang tuluyang mahadlangan ang patuloy na pagkalat ng sakit.
Hinihikayat ni Dr. Manalo ang publiko na magpasuri sa kanilang tanggapan ang mga mamamayang nakakaranas ng sintomas ng COVID-19 dahil sila ay tumatanggap din ng referral sa iba’t ibang ospital sa lunsod upang hindi sila mahirapan sa gastusin.











