CAUAYAN CITY – Isinailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Ilagan City matapos makapagtala ng limang panibagong kaso sa CoVID-19 na kinabibilangan ng City Mayor at nang kanyang pamilya.
Sa inilabas na Executive Order Number 54 na pirmado ni Mayor Josemarie Diaz, isinailalim sa ECQ ang Ilagan City para sa pagsasagawa ng malawakang contact tracing.
Nakapaloob din sa nasabing Executive Order na kinumpirma na ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) na mayroon nang local transmission ng virus sa lunsod.
Magtatagal ang ECQ ng 7 araw na nagsimula ngayong araw hanggang sa August 12, 2020.
Kaugnay nito, isinailalim na sa lockdown ang City Hall at sinimulan na rin ng mga kawani ang malawakang disinfection.
Samantala, inihayag ni Isabela Governor Rodito Albano na asymptomatic si Mayor Diaz at nang isa pang opisyal na positibo rin sa COVID-19.
Sa naging eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Albano, sinabi niya na sa ngayon ay nasa isang ospital na sa Metro Manila si Mayor Diaz at ilang kasapi ng pamilya.
Tiniyak ni Gov. Albano na hindi mapaparalisa ang transaksyon sa pamahalaang lunsod ng Ilagan.
Kaugnay nito, hinimok ni Governor Albano ang publiko na huwag magpanic at sundin ang mga ipinapatupad na guidelines sa pag-iwas sa COViD-19.
Samantala, dahil sa mga naidaragdag na positibong kaso ng CoViD-19 sa Isabela ay hihigpitan pa ang pagpapatupad ng mga protocol sa paglaban sa CoViD-19.
Ayon kay Governor Albano, sa mga susunod na araw ay hindi na lamang facemask ang kanyang i-oobligang gamitin ng publiko kundi maging ang face shield.
Kahapon ay kinumpirma ng DOH Region 2 na may panibagong 26 na kaso ang naitala sa region 2 na nagpositibo sa COViD-19 na pawang mula sa Isabela.











