Sa halip na magsilbing gabay at proteksyon ng mga estudyante, may ilang guro umano na nakapagtuturo ng maling asal at paglabag sa moralidad.
Ito ang sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro kasunod ng panibagong insidente ng pamamaril sa loob ng isang paaralan sa Zamboanga City na ikinasawi ng dalawang estudyante.
Ayon kay Castro, may mga pagkakataong mismong mga guro ang nagiging halimbawa ng hindi magandang asal, partikular sa pakikitungo sa mga nakatatanda at ibang tao.
Giit niya, hindi lamang pamahalaan ang may responsibilidad sa paghubog sa kabataan, kundi maging ang mga guro na itinuturing na ikalawang gabay ng mga estudyante habang nasa paaralan.
Nanawagan din si Castro sa publiko na maging responsable sa paggamit ng social media at iwasang mag-post ng mga banta sa buhay o pahayag na nagsasabing handang pumatay, dahil hindi umano ito magandang halimbawa sa kabataan.
Nauna nang pinuna ng Malacañang ang ilang guro na gumagawa ng online content gamit ang kanilang mga estudyante.










