Naglunsad ang Commission on Higher Education (CHED) ng fact-finding investigation kaugnay ng pagkamatay ng mga student-athlete ng Ateneo de Manila University na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa isinagawang training camp sa Dipaculao, Aurora.
Ayon sa CHED, mahalagang magsagawa ng masinsinan, patas, at agarang imbestigasyon upang matukoy ang buong detalye ng insidente. Inatasan na rin nito ang Ateneo na magsumite ng mga kaukulang ulat at paliwanag upang malaman kung nasunod ang umiiral na mga patakaran at pamantayan.
Noong Hunyo 9, nakipagpulong ang CHED-NCR sa mga opisyal ng unibersidad at hiniling ang isang komprehensibong incident report hinggil sa nangyari.
Batay sa paunang impormasyon mula sa Ateneo Crisis Management Team, naganap ang insidente sa isang off-season team-building at training camp na dinaluhan ng 24 student-athletes at pitong coach at staff ng Ateneo Men’s Basketball Team.
Nakikibahagi rin ang CHED sa Sports Stakeholders’ Panel ng Philippine Sports Commission upang suriin ang mga polisiya at praktis kaugnay ng athletic training at kapakanan ng mga student-athletes.
Binigyang-diin ng komisyon na pananagutin ang sinumang mapatutunayang nagkulang sa kanilang tungkulin at magpapatupad ng mga hakbang upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya sa hinaharap.









