Isang chemical tank ang sumabog o nag-implode sa isang pasilidad ng Nippon Dynawave Packaging sa estado ng Washington, USA, na ikinasawi ng ilang katao at ikinasugat ng iba, ayon sa mga awtoridad.
Ayon sa mga emergency responders, nananatili pa rin sa lugar ng insidente sa lungsod ng Longview sa Cowlitz County ang mga rescue team upang magsagawa ng imbestigasyon at operasyon, humigit-kumulang 70 kilometro hilaga ng Portland, Oregon.
Sa pinagsamang pahayag ng Longview Fire Department, kumpanya, at Cowlitz County Sheriff’s Department, kinumpirma ang mga nasawi at ilang malubhang nasugatan, ngunit wala pang eksaktong bilang na inilalabas.
Ilan sa mga biktima ay nagtamo ng chemical burns at iba pang pinsala at agad na dinala sa mga ospital. Ayon sa mga opisyal, walang agarang banta sa komunidad sa paligid ng lugar ng insidente.
Ayon kay Cowlitz 2 Fire and Rescue Chief Scott Goldstein, hindi bababa sa siyam na manggagawa at isang bumbero ang naospital, habang nananatiling hindi pa tukoy ang bilang ng mga nasawi.
Batay sa paunang imbestigasyon, ang sumabog na tangke ay naglalaman ng tinatawag na “white liquor,” isang kemikal na solusyon ng sodium hydroxide at sodium sulfide na ginagamit sa paggawa ng papel. Ang tangke ay may kapasidad na humigit-kumulang 80,000 gallons at nasa tinatayang 60 porsyento ang laman nang mangyari ang insidente bandang 7:15 ng umaga lokal na oras.
Samantala, hiwalay na insidente rin ang iniulat sa Southern California kung saan binabantayan ng mga awtoridad ang isang umiinit na industrial tank na may laman na methyl methacrylate, isang highly flammable chemical na ginagamit sa paggawa ng plastik. Matapos ang pagbitak ng tangke, naibsan ang panganib ng posibleng pagsabog, ayon sa mga opisyal.











