--Ads--

CAUAYAN CITY – Bumuo na lamang ng grupo ang mga Overseas Filipino Worker (OFWs) sa Oman para matulungan ang mga kapwa nila OFWs na apektado ng lockdown dahil sa coronavirus disease (COVID-19) at nangangailangan ng tulong.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lei Barrameda, OFW sa Oman, sinabi niya na nang magkaroon ng COVID-19 sa Oman at magpatupad ng lockdown ang kanilang pamahalaan ay wala silang natanggap na tulong sa embahada ng Pilipinas kaya bumuo na lamang sila ng isang grupo para tumulong sa mga kapwa nila OFWs na nangangailangan ng tulong.

Sa ngayon aniya ay nakapagbigay na sila ng 300 packs at may mga susunod pa silang ibibigay.

Nakipag-ugnayan na rin aniya sila sa pamahalaan ng Oman na tulungan sila gayundin ang ibang lahi dahil marami rin sa kanila ang nangangailangan ng tulong ngayon.

--Ads--

Ayon pa kay Barrameda, may natanggap man silang tulong pero isang beses lamang at kulang na kulang pa para sa mga Pinoy doon.

Ang 200 U.S dollars o P10,000 na mula sa pamahalaan ng Pilipinas ay 62 lamang ang nabigyan sa Salalah, Oman na kinaroroonan nila ngayon.

Nanawagan siya ngayon na dagdagan ang budget para sa mga OFWs dahil marami na sa kanila ang nagugutom.

Tinig ni Lei Barrameda.