Isang malaking bulto ng mga nakatagong armas, bala, at mga sangkap sa paggawa ng Improvised Explosive Device (IED) ang matagumpay na narekober ng mga otoridad sa Barangay Viga, Lasam, Cagayan noong Mayo 30, 2026.
Dahil sa matagumpay na joint law enforcement operation na ito, napigilan ang posibleng paggamit ng mga mapanganib na sandata at pampasabog na maaari sanang magbanta sa kaligtasan ng mga komunidad at magpahina sa seguridad ng publiko.
Ang operasyon ay isinakatuparan sa tulong ng pwersa mula sa 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company, 112th Special Action Company ng PNP Special Action Force (SAF), 203rd Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 2, Cagayan Provincial Explosive and Canine Unit, Regional Intelligence Unit 2, Provincial Intelligence Unit, at Lasam Municipal Police Station
Nagsagawa ng nakatutok na security operations ang mga yunit ng pamahalaan sa mga barangay ng Tagao, Viga, Peru, Nabannagan East, at Nabannagan West matapos makatanggap at mapatunayan ang isang mahalagang impormasyon na ibinigay ng isang dating rebelde.
Dahil dito, natunton ng mga awtoridad ang taguan ng mga kontrabando na sadyang itinago sa isang liblib na bahagi ng Barangay Viga.
Sa pagpoproseso sa lugar, nakumpiska ng mga otoridad ang 4 na pirasong improvised blasting caps, 3.5 metro ng commercial detonating cord, 3 metro ng fuse time, 6 na pirasong 40mm high-explosive cartridges, 9 na high-explosive rifle grenades, at isang sangkap para sa improvised anti-personnel mine , 1 Japanese Type 97 hand fragmentation grenade at isang PRB 423 high-explosive hand fragmentation grenade, 2 kalibre .38 na revolver (may kasamang 6 na bala), 1 improvised shotgun, 3 magasin para sa 5.56mm na riple, 156 na pirasong bala ng 5.56mm, at 41 na pirasong sari-saring bala para sa 7.62mm, 20 metro ng stranded wire, 4 na cellular phones, isang handheld radio, isang 12-volt wet cell battery, at isang bandolier.
Dinala na sa Lasam Municipal Police Station ang mga nakumpiskang kagamitan para sa kaukulang dokumentasyon, habang ang mga nakamamatay na pampasabog at mga sangkap ng IED ay agad na itinalaga sa Cagayan Provincial Explosive and Canine Unit para sa tamang pagpoproseso at disposisyon.











