--Ads--

Narekober ng mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion 2 o RMFB2 ang mahigit isang libong bala at iba pang kagamitang pandigma na nakabaon sa lupa sa Barangay Old San Mariano, San Mariano, Isabela, nitong Oktubre 15.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLT Mharverick Bigueras, Platoon Leader ng 201st Maneuver Company ng RMFB2, naisagawa ang operasyon sa tulong ng impormasyong ibinahagi ng isang dating miyembro ng Communist Terrorist Group o CTG na nagbalik-loob sa pamahalaan.

Kabilang sa mga narekober ang 1,085 rounds ng 7.62-millimeter live ammunition, isang bandolier na ginagamit sa machine gun, dalawang piraso ng commercial explosive charge na may bigat na 400 gramo bawat isa, 12 metro ng detonating cord at 1.7 metro ng time fuse.

Dinala na sa himpilan ang mga narekober na kagamitan para sa dokumentasyon, imbentaryo at kaukulang disposisyon sa pangangasiwa ng Isabela Provincial Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit.

--Ads--

Katuwang sa operasyon ang Isabela Provincial Mobile Force Company, San Mariano Municipal Police Station at mga intelligence operative ng 95th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Samantala, nanawagan si Bigueras sa mga dating miyembro ng rebeldeng grupo na may nalalaman pang impormasyon hinggil sa mga nakatagong armas at kagamitang pandigma na huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa mga awtoridad.

Hinimok din niya ang publiko na agad ipagbigay-alam sa pulisya kung may matutuklasang kahalintulad na mga kagamitan upang maiwasan ang anumang aksidente at maprotektahan ang kaligtasan ng mga residente.