Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad at ng lokal na pamahalaan ng Cauayan City ang pagkamatay ng isang lalaki matapos umanong mabugbog sa labas ng isang restobar sa lungsod.
Ayon kay Russel, may-ari ng naturang restobar, sinabi nitong alas-2:51 ng madaling araw nang maganap ang insidente ng pananakit na nakunan ng CCTV. Ayon sa kanya, agad nilang tinawag ang mga pulis na noo’y nasa malapit lamang sa lugar matapos ang insidente at saka na rin umano naipatawag ang rescue team.
Ipinaliwanag pa ng may-ari ng restobar na nauna umanong pinalabas sa establisimyento ang biktima matapos makatanggap ng reklamo na umano’y naninilip ito sa loob ng kanilang bar. Aniya, base sa kanilang impormasyon, tatlong tricycle driver umano ang sangkot sa pambubugbog sa biktima.
Samantala, ayon naman sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Cauayan City na kabilang sa kanilang iniimbestigahan ang mga dokumentong isinumite ng naturang restobar sa Business Permit and Licensing Office (BPLO).
Lumalabas na may kakulangan umano sa ilang dokumento habang iginiit naman ng may-ari na regular lamang nilang nirerenew ang kanilang permit.
Bukod dito, iniimbestigahan din ng mga awtoridad ang isang patrolman matapos umanong lumabas ang alegasyon na bago maganap ang pambubugbog ay inutusan umano nito ang mga suspek na saktan ang biktima.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at pananagutan ng mga sangkot sa insidente.










