Nasawi ang isang lalaki matapos siyang bubugin sa isang resto bar pasado alas -4:00 ng madaling araw sa barangay San Fermin, Cauayan City.
Nakilala ang biktima na si Norman 36-anyos, at residente ng Brethan Subd. San Fermin, Cauayan City habang ang suspect ay nakilalang si Monsour Oliveros 28-anyos, at residente ng District 1, Cauayan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, lumalabas sa pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station na nagtungo sa nasabing restobar ang nasabing biktima at kanyang kapatid upang mag-inuman.
Hinipuan umano ng biktima ang isa sa mga customer na babae na sumasayaw sa nasabing bar, dahilan upang palabasin ang magkapatid ng mga tauhan ng establisimyento upang maiwasan ang komosyon.
Paglabas sa bar, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at ang suspek na nauwi sa suntukan. Sinuntok umano ng suspek ang biktima na ikinatumba nito, at nagpatuloy pa umano ang pananakit.
Nawalan ng malay ang biktima at isinugod sa isang pribadong pagamutan ngunit idineklara ring nasawi kalaunan.
Matapos ang insidente, tumakas ang suspek at patuloy na pinaghahanap ng pulisya.










