Patuloy na lumalawak ang sektor ng negosyo sa Santiago City matapos umabot sa mahigit 7,500 ang bilang ng mga rehistradong negosyo, ayon sa City Public Licensing and Information Office (CPLIO).
Ipinakikita nito ang lumalakas na kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa business climate ng lungsod, kasabay ng panawagan ng lokal na pamahalaan sa mga hindi pa rehistradong negosyo na gawing legal ang kanilang operasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Artemio Villaluz Jr., CGDH I ng City Public Licensing and Information Office ng Santiago City, sinabi nito na nananatiling business-friendly ang Santiago City at patuloy na dumarami ang mga negosyong nagpaparehistro sa ilalim ng mga programa ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Atty. Villaluz, bukas pa rin ang Business One-Stop Shop (BOSS) upang tumanggap ng mga aplikasyon at magbigay ng mabilis na serbisyo sa mga bagong aplikante at sa mga magre-renew ng kanilang business permits.
Kasabay nito, hinikayat niya ang mga may-ari ng mga negosyong hindi pa rehistrado na sumunod sa itinakdang proseso ng pagpaparehistro upang maging legal ang kanilang operasyon at magkaroon ng ganap na access sa mga serbisyo at oportunidad na iniaalok ng pamahalaang lungsod.










