--Ads--

 Ipinaliwanag ng isang law professor na walang tiyak na depinisyon sa Konstitusyon ang mga terminong “other high crimes” at “betrayal of public trust,” na kabilang sa mga batayang ginagamit sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, law professor, sinabi nito na kabilang sa mga grounds for impeachment laban sa bise presidente ang culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust at other high crimes.

Ayon kay Atty. Arreola, matagal nang bahagi ng Konstitusyon ang “other high crimes” habang ang “betrayal of public trust” ay idinagdag bilang isa sa mga batayan ng impeachment.

Aniya, ang “other high crimes” ay maaaring tumukoy sa mga seryosong paglabag na may epekto sa pamamalakad ng gobyerno, habang ang “betrayal of public trust” ay maaaring sumaklaw sa mga gawaing hindi naaayon sa inaasahang asal at pananagutan ng isang pampublikong opisyal.

--Ads--

Gayunman, sinabi ni Atty. Arreola na walang tiyak na depinisyon ang mga nasabing batayan kaya hindi rin maaaring basta-basta ihalintulad o iangkop ang interpretasyong ginamit sa mga naunang kaso.

Dahil dito, nakasalalay aniya sa magiging pagtingin at pagsusuri ng mga senator-judges kung sapat ang mga ebidensyang ihaharap upang mapatunayan na may naganap na paglabag o kilos na nakaapekto sa maayos na pamamalakad ng gobyerno.

Binigyang-diin pa nito na kinakailangang mapatunayan at maikonekta ng prosekusyon ang mga alegasyon sa aktuwal na epekto nito sa pamahalaan upang makumbinsi ang mga senador na hahatol sa kaso.

Samantala, hinimok ni Atty. Arreola ang publiko na mabuting subaybayan ang mga aksyon ng mga mataas na opisyal ng pamahalaan upang magkaroon ng sapat na batayan sa pagpili ng mga lider sa mga susunod na halalan.