--Ads--

Malapit na raw matapos ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte sa antas ng komite ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ayon kay House Assistant Majority Leader Lanao del Sur 1st district Rep. Zia Alonto Adiong na isa ring miyembro ng Committee on Justice.

Inaasahan ang huling pagdinig ay gaganapin sa Abril 29, 2026.

Bago ito, nakatakda pang magsagawa ng pagdinig ang justice panel sa Abril 22 habang patuloy nitong tinutukoy kung may “probable cause” ang mga impeachment complaint laban sa Pangalawang Pangulo.

Kabilang sa mga paratang sa impeachment ang umano’y pagbabanta sa matataas na opisyal ng gobyerno, maling paggamit ng confidential funds, unexplained wealth, at mga umano’y iregularidad sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Sara Duterte.

--Ads--

Dagdag pa ni Adiong, pagdedebatehan pa ng mga miyembro ng komite ang usapin ng probable cause bago ilabas ang committee report, na inaasahang isusumite sa plenaryo ng Kamara sa pagbabalik-sesyon sa Mayo 4, 2026.

Paliwanag pa ng mambabatas na ang committee report, na magsisilbing kabuuang findings ng panel, ay hindi pa hatol sa Bise kundi rekomendasyon pa lamang kung dapat bang ituloy ang impeachment sa Senado.

Kung maaaprobahan sa plenaryo, ang susunod na hakbang ay ang impeachment trial sa Senado, kung saan pagdedesisyunan kung mananatili sa puwesto o matatanggal sa tungkulin si VP Sara.