--Ads--

Ikinadismaya ng isang political analyst at constitutional law expert ang naging takbo ng impeachment trial matapos aniyang magmistulang criminal trial ang naging presentasyon ng mga ebidensya sa halip na tumuon sa layunin ng impeachment proceedings.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, political analyst at constitutional law expert, sinabi nitong hindi dapat ituring na criminal trial ang impeachment dahil magkaiba ang layunin at pamantayan ng dalawang proseso.

Ayon kay Atty. Yusingco, napansin niyang tila ginamit sa impeachment ang mataas na antas ng pagbusisi sa ebidensya na karaniwang ginagamit sa mga kasong kriminal, partikular ang pamantayang “beyond reasonable doubt,” gayong hindi ito ang dapat na batayan sa impeachment proceedings.

Aniya, ang ganitong pamamaraan ay nagdudulot lamang ng pagbagal sa proseso at maaaring ilihis ang layunin ng impeachment na alamin kung nananatiling karapat-dapat sa kanyang posisyon ang isang opisyal ng pamahalaan.

--Ads--

Kaugnay naman ng kumakalat sa social media tungkol sa umano’y kasong forgery na iniuugnay kay Atty. Lotoc, sinabi ni Yusingco na bahagi lamang ng estratehiya ng depensa ang kwestiyunin ang kredibilidad ng testigo sa pamamagitan ng cross-examination.

Ipinaliwanag niya na sa ilalim ng proseso, layunin ng depensa na subukang pahinain ang kredibilidad ng testigo habang tungkulin naman ng prosecution na patatagin ang kanilang mga iniharap na ebidensya at testimonya.