Mananatili muna sa morning schedule ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ngayong linggo habang pinag-aaralan pa ng Senado ang panukalang ilipat sa hapon ang mga paglilitis, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.
Ayon kay Gatchalian, wala pang pinal na desisyon ang Senado sa pagbabago ng iskedyul at kailangan munang mabigyan ng sapat na panahon ang magkabilang panig para makapaghanda sa anumang pagbabago.
Naantala ang impeachment proceedings noong nakaraang linggo matapos suspindihin ang pagdinig noong Lunes at kanselahin ang mga nakatakdang hearing noong Martes at Miyerkules dahil sa matinding pag-ulan at pagbaha dulot ng habagat.
Isinasaalang-alang din ng mga senador ang kanilang nalalapit na deliberasyon sa ₱7.2-trilyong panukalang pambansang badyet para sa 2027.
Nauna nang sinabi ni Senador Panfilo Lacson na napagkasunduan ng Senate majority in principle na ilipat sa 2:30 ng hapon hanggang 7:30 ng gabi, Lunes hanggang Miyerkules, ang impeachment trial.
Sa ngayon, mananatili muna sa umaga ang mga pagdinig habang inaayos ng Senado ang iskedyul para mapagsabay ang impeachment trial at regular na mga tungkuling lehislatibo.










