Posibleng pabilisin ng House prosecution panel ang presentasyon ng ebidensya nito sa Senate impeachment court kaugnay ng alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House prosecution panel adviser at spokesperson Robert Ace Barbers, pinag-aaralan na ng mga prosecutor kung kailangan pang iharap ang lahat ng natitirang testigo matapos mapunan ang ilang kakulangan sa kanilang ebidensya.
Sinabi ni Barbers na maaaring i-excuse ang ilan sa mga testigo kung mapagpapasyahan ng panel na sapat na ang mga naunang testimonya at dokumento upang patunayan ang kanilang mga alegasyon.
Nauna nang pinaikli ng prosecution panel ang presentasyon nito sa Article IV na tumatalakay sa umano’y pagbabanta ni VP Sara kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., matapos umanong makitang sapat na ang ebidensya sa rekord.
Ayon kay Barbers, nais nilang matapos agad ang paglilitis, lalo na’t abala na rin ang Kongreso sa paghahanda para sa 2027 national budget.










