CAUAYAN CITY – Pinabulaanan ng pamunuan ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City ang naging pahayag ng Rural Health Unit (RHU) Cabagan na may kawani ng ospital ang nagsabing nakuha ng mag-inang nagpositibo sa COVID-19 ang virus sa naturang pagamutan.
Matatandaang pinakahuling nagpositibo sa virus sa Cabagan, Isabela ang isang 35 anyos na nanay at anak na 5 months at may kasaysayan sila ng paglalakbay sa Tuguegarao City pangunahin sa CVMC.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC na mahigpit ang pagpapatupad ng mga health protocols sa ospital para matiyak na lahat ng mga pumapasok ay walang COVID-19.
Katunayan, bago makapasok sa CVMC ang pasyente ay dadaan muna sa triage at ina-assess nang mabuti ng mga doktor.
Ayon kay Dr. Baggao, ang sanggol ay may problema sa atay at dinadala sa out-patient department.
Kung doon man sila nahawa ng kanyang ina ay nagpositibo na rin sana ang mga pasyente maging ang mga health workers.
Sinabi ni Dr. Baggao, may kapatid ang nanay ng bata sa Tuguegarao City at doon sila umuuwi kapag nagtutungo sila sa CVMC.
Nakatakdang maoperahan ang sanggol at dahil may polisiya ang CVMC na lahat ng mga maooperahan ay kailangang sumailalim sa RT-PCR test para kapag sila ay na-admit ay negatibo sila sa COVID-19.
Ito ay bilang proteksyon ng ibang pasyente at nang mga health workers sa pagamutan.
Pinayuhan ni Dr. Baggao ang Municipal Health Officer ng Cabagan na pagkatapos ng re-swab ng mag-ina ay ire-refer na sila sa CVMC para sa operasyon ng sanggol dahil ngayon ay nasa isolation facility sila ng naturang bayan.












