CAUAYAN CITY – Isa ang patay, isa rin ang nasugatan sa banggaan ng isang motorsiklo at Toyota Vios sa national highway sa San Manuel, Naguilian, Isabela.
Ang nasawi ay ang tsuper ng motorsiklo na si Lawrence Lorenzana, helper ng isang bakery habang nasugatan ang kanyang angkas na si Jonel Lorenzana, kapwa residente ng Surcoc, Naguilian, Isabela.
Ang tsuper naman ng Toyota Vios ay si Jeffrey Mata Igharas, 31 anyos, may asawa, service facility assistant II at residente ng Pinoma, Cauayan City.
Binabagtas ng kotse ang naturang daan patungong timog habang patungo sa kasalungat na direksyon ang motorsiklo nang umagaw umano ng linya ang motorsiklo dahilan para magkaroon ng banggaan.
Nagtamo ng malubhang sugat ang tsuper ng motorsiklo na naging sanhi ng kanyang kamatayan habang ang kanyang angkas ay nagtamo rin ng mga sugat sa katawan at dinala sa isang ospital sa Lunsod ng Ilagan.
Hindi naman nagtamo ng sugat ang tsuper ng kotse.
Dinala na sa Naguilian Police Station ang mga sangkot na sasakyan at ang tsuper ng Toyota Vios para sa kaukulang disposisyon.












