--Ads--

Nasugatan ang isang lalaki matapos na mahulog sa bangin ang minamaneho nitong mini dumptruck sa Brgy. Pantikian, Balbalan, Kalinga.

Ang biktima ay isang tatlumput siyam na taong gulang na lalaki na residente ng Tuguegarao City.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya binabagtas ng biktima ang lansangang nasasakupan ng nasabing barangay kaninang alas otso ng umaga nang mapansin nitong nagkaroon ng problema sa makina ng sasakyan at hindi kinaya ang pataas na bahagi ng kalsada.

Agad nitong pinatalon ang kanyang asawa na sakay ng sasakyan bago ito tuluyang umatras at mahulog sa bangin na may lalim na walong metro kung saan siya ay nagtamo ng mga sugat sa kanyang binti  na agad dinala sa Brgy. Pantikian Health Clinic habang ang asawa nitong tumalon ay ligtas at walang tinamong sugat sa katawan

--Ads--

Sa tulong ng Balbalan LGU at mga personnel ng MDRRMO at PNP Balbalan ay narescue ang biktima mula sa bangin at naiahon din ang mini dumptruck.

Muli namang pinaalalahanan ng Balbalan MDRRMO ang mga motorista na bumabagtas sa mga matatarik na kalsada sa kanilang nasasakupan na laging suriin ang sasakyan bago bumyahe upang makaiwas sa aksidente.