--Ads--

Nagbabala ang Isabela Highway Patrol Group o HPG sa mga motorista tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng gumaganang speedometer upang matiyak ang tamang bilis ng kanilang sasakyan habang bumabyahe.

Ayon kay Police Major Renolli Bagayao, Provincial Director ng Isabela Highway Patrol Group, mahalagang nasusubaybayan ng mga driver ang bilis ng kanilang sasakyan upang maiwasan ang paglabag sa itinakdang speed limit at ang kaukulang parusa mula sa mga otoridad.

Gayunman, aminado ang HPG na wala silang speedometer o partikular na kagamitang ginagamit upang masukat ang aktuwal na bilis ng mga sasakyan sa kalsada.

Paliwanag ni Bagayao, limitado sa Land Transportation Office o LTO ang pagkakaroon at paggamit ng naturang kagamitan, habang wala nito ang karamihan sa mga yunit ng HPG sa buong bansa, kabilang ang mga yunit sa Region 2.

--Ads--

Dahil dito, mas nakatuon ang HPG sa pagsita sa mga motorista dahil sa reckless driving, partikular sa mga pagkakataong kapansin-pansing delikado ang paraan ng kanilang pagmamaneho.

Ayon kay Bagayao, bagama’t hindi nila matukoy ang eksaktong bilis ng isang sasakyan nang walang speedometer, maaari nilang ikonsidera ang kilos at paraan ng pagmamaneho nito bilang batayan sa pagsita dahil sa reckless driving.