--Ads--

Paiigtingin ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang seguridad sa mga paaralan sa buong lalawigan bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa pagbubukas ng klase.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Scarlette Topinio, Information Officer ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), sinabi nitong pangunahing prayoridad ng kapulisan ang kaligtasan at seguridad ng mga mag-aaral, magulang at mga guro lalo na sa unang linggo ng pasukan.

Ayon kay PCapt. Topinio, magtatatag sila ng mga Police Assistance Desk sa mga paaralan sa pakikipag-ugnayan sa mga school authorities upang agad na matugunan ang anumang insidente o pangangailangan ng mga estudyante at magulang. Magkakaroon din ng mas pinaigting na anti-criminality operations, partikular sa mga lugar na itinuturing na crime-prone areas.

Magde-deploy din aniya ng mga pulis sa mga loading at unloading areas ng mga paaralan, lalo na sa malalaking eskwelahang matatagpuan malapit sa mga pangunahing lansangan at highway. Makakatulong din sa pamamahala ng trapiko ang mga opisyal ng barangay upang matiyak ang maayos na daloy ng mga sasakyan at ligtas na pagpasok ng mga estudyante.

--Ads--

Kabilang din sa kanilang mga programa ang pagsasagawa ng mga symposium hinggil sa anti-bullying campaign at kampanya kontra ilegal na droga upang mapalawak ang kamalayan ng mga mag-aaral sa mga usaping may kinalaman sa kanilang kaligtasan at kapakanan.

Pinayuhan naman ng opisyal ang publiko na manatiling alerto at tiyaking may mga contact number ng kapulisan na maaaring tawagan sa oras ng pangangailangan.

Mensahe niya sa estudyante lalo na ang mga nasa elementarya, na huwag sumama sa mga hindi nila kakilala at maging maingat sa pagtawid sa mga kalsada. Samantala, nanawagan din siya sa mga pampublikong transport driver na huwag samantalahin ang pagdagsa ng mga pasahero sa pagbubukas ng klase at pairalin ang disiplina at responsibilidad sa kanilang pamamasada.