CAUAYAN CITY – Sumulat ng tula si Provincial Tourism Officer Troy Alexander Miano bilang pagbibigay-pugay sa malaking karangalang hatid sa bansa ni Tokyo Olympic Games gold medalist Hidilyn Diaz.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Troy Miano na isa ring local historian na mula 1990 ay nahiligan niyang sumulat ng tula tuwing mataas ang kanyang emosyon kaugnay ng isang pambansang isyu.
Tuwing may ipinopost siyang tula ay may kaugnayan sa pambansa o pandaigdigang isyu bilang paraan upang iparamdam sa kapwa Pilipino ang kanyang saloobin.
Ayon kay Dr. Miano, nang gabing isulat niya ang tula ay nag-uumapaw ang kanyang kalagakan sa kabayanihan ng pambansang atleta na si Hidilyn Diaz.
Ang pagsulat ng tula aniya ay paraan niya ng pagbibigay-pugay kay Diaz kumpara sa paraan ng iba na pagbibigay ng monetary reward o cash incentive.
Hindi man mapansin ni Diaz ang kanyang simpleng paraan ay naipakita at naiparamdam sa mga kapwa Pilipino ang paghanga sa ambag na kabayanihan ng pambansang atleta.
Sinabi pa ni Dr. Miano na ang pinakamahirap sa pagsusulat ng tula, essay, narrative at feature ay kung paano mabibigyan ng magandang umpisa at makukuha ang pansin ng mambabasa sa huli o closing statement.
Ang titulo ng kanyang tula ay ilang beses na binago dahil ang orihinal ay may term na HD.
Ilang beses niyang narinig ang HD Team ngunit napagtanto niya na hindi alam ng lahat ng mga Pilipino ang term na HD kaya maaaring hindi mapansin.
Sinabi ni Dr. Miano na dahil dito ay diretsong binanggit na niya si Hidilyn para masagap agad ng mambabasa ang gusto niyang mensahe.
Inihayag pa ni Dr. Miano na napag-usapan nila ng kanyang technical staff na i-feature ang pambansang atleta na nagwagi ng kauna-unahang gintong medalya sa olimpiyada gayundin ang mga atletang Pinoy na naunang nagwagi ng mga medalya sa nakalipas na 97 taon.












