
CAUAYAN CITY – Isinalim ng pamahalaang lokal sa total lockdown ang San Fernando, Alicia, Isabela matapos na makapagtala ng bagong kaso ng Coronavirus Disease (COVID-19) positive.
Sa inilabas na Memorandum Circular no. 14 series of 2020 ni Mayor Joel Amos Alejandro, nakasaad na isasailalim ang barangay San Fernando sa total lockdown mula July 2,2020 hanggang July 16, 2020 bilang pangunahing hakbang ng pamahalaang lokal matapos na maitala ang bagong kaso ng COVID-19.
Ang bagong COVID-19 positive ay si CV97, 24 anyos na babae na may travel history sa San Pablo, Laguna na dumating sa lalawigan noong June 12, 2020.
Siya ay nanatili sa barangay isolation facility ng San Fernando mula June 13 hanggang June 25, 2020 bago inilipat sa provincial isolation facility noong June 26, 2020.
Ang pagpapatupad ng total lockdown ay batay sa rekomendasiyon ng Provincial Inter-Agency Task Force.
Sa ilalim ng total lockdown ay papayagan lamang ang mga indibidual na kabilang sa Authorized Person Outside Residence (APOR), may mga travel pass o mga indibidual na bibili ng mga pangunahing pangangailangan.
Inatasan ang Alicia Police Station na magtalaga ng mga tauhan sa ilalatag na barangay quarantine checkpoint upang limitahan ang paglabas ng mga residente sa barangay.
Nagbabala ang pamahalaang lokal ng Alicia sa mga lalabag sa mga mga guidelines at protocols na huhuliin at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act at Republic Act 11469 o Bayanihan To Heal as One Act at ilang umiiral na ordinansa.










